Wednesday, June 8, 2022

Untitled 1

Malamang sadyang ako ang may problema
Na gustong angkinin ang nakalaan sa iba
O baka naman nais mo rin
Pero nagpipigil lang ng damdamin
Dahil pag ang lihim ay nasiwalat
Ikasisira ng lahat

Pero baka nga sa akin lang ang problema
Dahil hindi ko makita sa iyong mga mata
O baka ako'y nalilito lang
Sa ipinapakitang kabaitan
Baka naman kasi wala lang ito
Lahat guni-guni ko

Aaminin kong masidhi ang nararamdaman
May ilang beses ding iniyakan
Dahil ba sa pagmamahal o kalituhan
Hindi ko maintindihan
Kung meron mang tiyak dito
Ay hanggang sa hukay dadalhin ang damdaming ito



Share:

Saturday, January 19, 2019

Wala (?)

Kahit anong pilit, wala.

Para lang nanaginip,
Nakalimutan pagkaumaga.
Mukhang naglaro lang ang isip,
Kinailangan lang pala ng idlip
Upang sa katotohana'y magising
Sa guni-guning nilipad ng hangin —
Malaya. Masaya.

O baka lamang isang akala.
Share:

Sunday, January 6, 2019

Tapat

Tapat
Ang una nating pagkikita

Sa apat
Na kanto ng mesa
Ang unang pagkilala

Agwat
Ng edad at estado

Sapat
Na mapagtanto
Sa unang pagkikita

Ang lugar nati'y mananatiling sa
Tapat
Share:

Thursday, January 3, 2019

Daluyong

Kakaiba ang pagtagpo sa atin ng tadhana;
Ikaw ang alon, ako ang buhangin.
Ang pagkikita'y laging panandalian.
Hahampas sa isa't isa, masakit na nakaliligalig
At babawiin, hihilahin pabalik ng hangin.
Sa pagkulimlim ay tatahan,
Magngangalit muli kinaumagahan.
Share: